KAPE
Gaano nga ba katapang ang kape? Para magkalakas ng loob ito na sabihin na kailangan kong magpatuloy?
"Paborito mo ang kape, 'di ba?" Tanong niya kaya napa-angat ako ng tingin.
"May gatas at asukal?" Tumango ako at napangiti.
Hindi ako umiinom ng kape dati. Bawal daw sa bata kaya gatas lang dapat, syempre yung may kaunting asukal. Bawal din daw kasi ang sobrang tamis, dahil baka sa murang edad ay magkaroon ako ng diabetes.
Pero noong lumaki ako, hindi na ako kailanman nakatikim ulit ng gatas. Kape pagkagising, sa tanghali, kape bago matulog.
Iyong puro, mapait. Minsan mainit, madalas malamig. Tinatanong nga ako ng mga kakilala ko kung puro kape na ba ang dumadaloy sa katawan ko.
"Ayaw mo ng puro? Gustong gusto mo iyon dati, hindi ba?" Tanong niya ulit ng makabalik sa lamesa namin.
May nakita kasi ako noon. Tinuruan niya ako kung paano mas sumarap ang kapeng minsang sobrang pait.
Hawak ang tasa at kutsara, may nadaanan akong salamin papuntang kusina. May nakita ako doon na bata, kagaya ko ay may hawak din.
Kinuha niya ang takure na may bagong kulong tubig at isinalin sa kanyang tasa. Naglagay din siya doon ng kape, akala ko ay doon na natatapos iyon. Pero napagdesisyonan niyang maglagay ng gatas at asukal.
"Akala ko kasi hanggang doon lang ang lahat. Mapait."
Sinubukan ko. Inunti- unti ko ang paglalagay ng gatas at asukal hanggang sa mabalanse ko ang lasa.
"Dati napatanong ako, gaano nga ba katapang ang kape para magkalakas ito ng loob na sabihin sa akin na kailan kong magpatuloy?" Napansin ko ang nagtataka nitong tingin.
"Hindi ko naman kasi pala paborito ang kapeng puro. Hindi ko kailanman nagustuhan, nasanay lang pala ang ako sa lasa, sa pait." Humigop ako sa inuming nasa harap ko.
"Sobrang tapang ng kape, na sinabihan ako nitong magpatuloy. Parang sinasabi sakin na 'Lagyan mo ng gatas at asukal.'" Tinignan ko siya sa mata.
"Hindi daw buong buhay kailangan nating masanay sa pait. May daan, may patutunguhan. Mahahanap din natin iyong tamang lasa at tamis."